  
Mula sa historya o istorya ng isang lalakeng babae o babaeng lalake, nobela itong di-nobela.
Pinaghalong peryodismo at panitikan, ang kasaysayang ito ay kuwentong diyurnalistiko at pampanitikan.
Si Minerva Concepcion, este, Minerva Centenario, ang nagkukuwento subalit maaari ring pakinggan ang tinig ng kaluluwang sumapi sa katawan ni “Minerva,” si Rosario Villaruel—ang kauna-unahang mason na Pilipina—bilang tagapagsalaysay.
Kapwa mandirigma ang dalawa—ang una ay nakikipaglaban para sa kalayaan sa pamamahayag bilang peryodista, samantalang ang huli ay nakihamok para sa independensiya ng Haring Bayang Katagalugan bilang Katipunera.
Habang ibinibida ni Minerva ang kanyang buhay na personal, isinasalaysay rin niya ang buhay ng kanyang lipunan.
Bilang bida, siya rin ang kontra-bida.
Sa krimen ng pagsunod sa batas!
Lahat ng batas.
Siya ang pangunahing tauhan na maituturing na hindi pangunahin.
Lalo kung itatapat siya sa iba pang karakter na labas-pasok na walang iniwan sa punto de bista nila at sa kanila.
Nariyan ang kanyang Ina na kapantay niya sa kahalagahan.
Dahil talambuhay ng kanyang lola ang kanya ring naging talambuhay.
Gayong hindi niya ito tunay na abuwela.
Kinakabitan ng matanda ang kanyang kahapon habang dinudugtungan naman niya ito ng bukas.
Kasalukuyan silang naghahanap ng nakaraan at hinaharap.
At iisa lamang sa lahat ang saksing siya ring “kriminal.”
Isang puting kalapating putikan.
|